Happy New Year po sa inyong lahat. Well, conventionally sa ating lahat na pagkatapos ng new year celebration is a doing nothing day! Nariyan ang kainan ng mga handa noong media noche, videoke kasama ang mga tito at tita na nag-iinuman at nagkakasayahan, mga chikiting na bitin sa mga paputok kaya namumulot ng mga hindi pumutok na mga trianggulo at mga piccolo, at marami pang iba.
May iilan din sa atin na iginagala natin ang ating mga mahal sa buhay kagaya nang nabalita sa TV Patrol na napuno ang Manila Ocean Park, Enchanted Kingdom, ang Luneta at ang Star City kinabukasan ng a-uno ng Enero. Bilin sa amin ng Lola Isyang ko na dapat ay sa bahay lang ang mag-anak kapag a-uno ng Enero para hindi buong taon ay parating mawawalan ng tao sa bahay. Ewan ko, pamahiin daw yun.
Kamusta naman ang 2008 ninyo? May mga improvements and achievements ba kayo nakamit? May mga accomplishments ba kayong nagawa?
Bilang panimula, nais kong ibahagi sa blogsite na ito ang aking mga nagawa, mga karanasan, mga maliliit na napagtagumpayan at mga kabiguan, mga pagsubok at mga kasayahang naranasan ko nitong taong lumipas.
Mga Karanasan: Kada taon, marami tayong karanasan sa buhay ang dumarating at dumarating yan without notice o warning. Nariyan ang karanasan sa pakikipag-kaibigan. Marami tayong nakikilalang mga kaibigan in person man o in cyberspace, maging sa eskwela. May mga tao na nakikilala mo at magiging kaibigan mo. May mga kaibigan na tunay, may mga kaibigan din namang maigi lang sa 'yo kapag may kailangan sa 'yo at may kaibigan din namang mabuti sa'yo kapag kaharap mo. Well anyways, ang parati ko namang sinasabi na sinasabi din ng tatay ko na kaya nilikha ang tao na hindi pare-pareho ang guhit ng mga palad, patunay lang na hindi pare-pareho ang karakter ng mga tao.
Naranasan ko din sa taong nagdaan na magpalipat-lipat ng eskwelahan. Pero stay put na ako sa Adamson kasi medyo naging magulo talaga ako kung ano ba talaga ang gusto ko. At natutunan ko na kapag kukuha kayo ng isang kurso, huwag kang sasabay sa mga in-demand courses na hindi mo naman kaya. Dapat, isipin mo kung kakayanin mo ba ito at kung passion mo.
Mga Maliliit na napagtagumpayan: Sa ngayon, wala pa akong napagtagumpayan. Kung meron man, yun ay ang buhay pa ako at binibiyayaan at ginagabayan ako parati ng Diyos Ama at ang aking mga magulang. Yun pala, isa sa napagtagumpayan ko ay ang sucessful na operasyon ng aking Ama noong nagbakasyon siya. Magaling na ang kanyang sugat at nakapagtrabaho na ulit siya. Kaya nga sana maka-graduate na ako at makahanap ng magandang trabaho dito man o sa abroad para may katuwang si Papa para sa mga pangangailangan namin o hindi man e para mag-negosyo na lang sila ni Mama.
Mga Kabiguan: Lahat tayo ay may kabiguan sa buhay. Kasi no one is perfect! Not all systems in this world are perfect. Wala akong maisip na may nabigo akong mga plano at pangako nitong taong nagdaan. Kung meron man ay pinagsisisihan ko ito.
Ayun, siguro kabiguan para sa akin na hindi ko naligawan yung ka-klase ko sa AdU. Sa totoo lang po, torpe po kasi ako e. Bigla na lang po ako naging mahiyain nang ako ay nag-balik sa AdU. Ewan ko kung bakit?
At ang isang kabiguan na dumating sa akin ay ang hindi ko man lang nakilala ang Tatay ng Nanay ko. Si Lolo Jun (o Grandpa) . Pumanaw siya noong May 29, 2008 dahil sa nagkaroon daw ng tubig sa baga sa Houston Texas. Ang naging kabiguan ng Nanay ko ay naging produkto siya ng isang broken family. Dahil sa isang maling plano, nasira ang lahat. Ang naging kabiguan ko naman at ng aking kapatid ay hindi man lang namin siya nakilala in-person. Once, umuwi daw sila dito sa Pilipinas kasama ang kanyang kerida sa Masbate noong namatay yung magulang ng kerida ng Lolo ko.
Gayunpaman, sa kabila ng mga kabiguan namin, ay humingi ng patawad ang nanay ko sa lolo ko sa pamamagitan ng isang GET WELL SOON Card. Doon, nilakipan din nya ng isang sulat na nilalaman ng paghingi ng patawad at pinapatawad na din siya ng nanay ko dahil iyon ang binilin sa amin ng kapatid ng lolo ko na si Uncle Badit.
At ilang linggo lang daw matapos na nabasa yung GET WELL SOON Card ay pumanaw na ang lolo ko. Cremation ang ginawa sa kanya. Kaya kung nasaan ka man ngayon Lolo o Grandpa, sana ay parati mo kaming bantayan at makapiling mo sana ang Diyos Ama.
Mga Pagsubok: Siguro, binibigyan tayo ng pagsubok ng Diyos dahil mahal niya tayo. Hindi naman nya tayo bibigyan ng mga pagsubok na hindi natin makakayanan e. At dito masusukat ang pananampalataya natin sa kanya.
May tatlong pagsubok na dumating. Yun ay ang pagpanaw ng dalawa kong Tito (Papa Raul at Papa Tony), kasi may mga sakit sila. Iniisip ko na lang na siguro ay ganoon na lang kaysa sa matagal pa silang maghirap sa kanilang sakit. Pero nakakalungkot isipin na may mga taong ayaw mong mawala sa piling mo.
Mga Kasayahan: Sa araw-araw na binibigay sa atin ng Diyos, masaya ako parati. Pero wala sa mukha ko ang pagiging jolly. Lalo na sa school. Marami din mga araw na ako ay naging masaya ng taong lumipas lalo ka kapag kasama ko ang Mama ko at ang Kapatid ko.
Kaya nga everyday is a blessing, so everyday bee happy! Hehehe!
Kaya ang mahihiling ko lang sa Taong 2009 na sana ay maging malusog ang ating mga pangagatawan, maging ligtas sa sakit at sakuna, maging masagana kahit kakaharapin natin ang mga krisis, maging matatag sa kakaharaping pagsubok (at mga intriga! Joke!!!), at higit sa lahat ay magkaroon na sana ng walang hanggang pagmamahalan sa mundo.
Maging masagana hari nawa ang taong 2009! Pagpalain nawa tayo ng dakilang lumikha na siyang pinagmulan ng ating buhay at mga biyaya.
Happy New Year Po sa inyong lahat!